Ano nga ba Ang Palatandaan ng Skin Cancer

Payo ni Doc Willie Ong


Ano ang palatandaan ng masamang nunal? Ito ay puwede maging skin cancer (malignant melanoma) na madaling makamatay. Simple lang po ang sagot. Sundin ang ating ABCD:

A – Anyo (asymmetry): Ang nunal o birthmark sa balat ay dapat pareho ang anyo. Hindi siya dapat pa-zigzag o pa-uka-uka ang paligid.

B – Border: Dapat makinis at malinaw ang paligid ng nunal o birthmark. Kapag may pagka-blurred ang gilid ng nunal, baka masama na ito at magpatingin na agad sa doktor.

C – Color o kulay: Ang kulay ng nunal o birthmark ay dapat iisa lamang. Itim kung itim, brown kung brown. Kapag naghahalo ang kulay ng isang nunal, may itim, red at brown pa, senyales ito ng masamang nunal. Magpacheck up na.

D – Diameter o laki ng nunal: Ang nunal o kahit anong marka sa balat ay hindi dapat lalampas sa 6 mm sa haba o diameter. Kasing laki ito ng isang pencil eraser. Kapag mas malaki sa isang pencil eraser ang inyong nunal, magandang ipasuri ito sa doktor para makasigurado. Dapat ay hindi rin lumalaki ang inyong nunal.

Paano gagawin itong ABCD sa pag-check ng nunal?
Humarap sa salamin at tingnan ang balat. Tingnan din pati ang likod. Gumamit ng salamin para makita ang lahat ng parte ng katawan. Halimbawa, ang skin cancer sa lalaki ay madalas nakatago sa likod. Gawin ang pagsusuri bawat buwan, tulad din ng pasusuri ng suso sa babae.

Paano iiwas sa skin cancer o melanoma?
1. Umiwas sa sobrang pag-beach at pagbilad sa araw. Ayon sa pagsusuri, ang mga taong mahilig mag-sunbathing noong kanilang kabataan ay mas tumataas ang tsansang magkaroon ng skin cancer. Bukod sa skin cancer, kukulubot pa ang mukha.

2. Maglagay ng sunblock na may proteksyon sa Ultraviolet A at B (UVA at UVB). Ang proteksyon ng sunblock ay umaabot lamang sa 4 na oras. Kaya kailangan mong mag-lagay muli ng sunblock kapag madalas kang nasa araw.

3. Umiwas sa matinding sikat ng araw mula 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon.

4. Mag-ingat kapag nasa tabing dagat, beach at buhangin dahil ang mga bagay na ito ay nag-re-reflect ng araw pabalik sa ating mukha at katawan.

5. Mag-sombrero, mag-long sleeves at magsuot ng sunglasses.
Kaya suriin na ang iyong balat. Tandaan ang ABCD ng skin cancer para maging ligtas sa sakit.