Anong Isda Ang Safe Kainin?
by Doc Willie Ong (base sa masusing research ko po. okay ang isda sa tamang dami at klase lang.)



Narinig na ba ninyo ang issue tungkol kay KC Concepcion? Mahilig siya sa isda kaya daw nagkaroon siya ng mercury poisoning na nakaapekto sa kanyang mata.
Ang mercury ay nakukuha ng isda sa polusyon sa tubig. Masama sa ating katawan ang isda na may mercury dahil nakasisira ito ng utak at kidneys. Ang sintomas nito ay ang pamamanhid ng mga kamay at paa. 
May mga guidelines na inilabas sa America tungkol sa limitasyon sa pagkain ng isda. Sundin natin ito.
A. Mga Safe Na Isda: Maaaring kumain ng 2-3 beses (o servings) bawat linggo. Ang bawat serving ng isda ay may timbang na 180 grams o 6 ounces.
1. Samaral
2. Dilis (anchovies)
3. Hito (catfish)
4. Galunggong (mackerel)
5. Salmon
6. Tilapia
7. Mababa sa mercury ang hipon, pusit at alimango.
8. Bangus (milkfish) ay safe din pero mas mataas ang mercury levels kumpara sa ibang nakalista dito.
B. Medyo bawasan ang pagkain: Kumain lamang ng 1-2 beses (o servings) bawat linggo. Ang bawat serving ay may timbang na 180 grams o 6 ounces.
1. Banak (mullet)
2. Tamban
3. Maya-maya (snapper)
4. Nakalatang tuna (Canned light tuna)
C. Mag-ingat sa pagkain: Pinakamarami ay kumain lamang ng 3 beses (o servings) sa isang buwan.
1. Tuna fresh at sashimi
2. Lapu-lapu (grouper)
3. Sea Bass
D. Huwag kainin ito dahil mataas sa mercury: Marlin, Tuna (Ahi), Swordfish at Pating (Shark).
Dagdag tips sa pagkain ng isda:
1. Piliin ang maliliit na isda dahil mas bata pa sila at hindi pa nakakakuha ng mercury sa katawan. Ang isdang wala pang 12 inches ay mas safe.
2. Kumain na lang ng gulay, prutas at manok. Mas safe iyan.
3. Importante: Ang mga buntis at sanggol ay sensitibo sa epekto ng mercury. Mas bawasan pa ang pagkain ng isda.
Maganda naman ang isda sa katawan pero kailangan piliin ang mas safe na isda. Good luck po!