ANO ANG MASUSTANSYANG ALMUSAL?
Payo ni Dr. Willie Ong
Maraming benepisyo ang pagkain ng almusal sa umaga. Una, makapagbibigay ito ng lakas sa ating katawan. Pangalawa, mas tataas ang grado ng mga bata sa eskuwelahan. Magiging masigla ka rin sa iyong trabaho. Pangatlo, makaiiwas ka sa sakit, tulad ng ulcer, kung kakain ka sa umaga.
Bukod dito, pampahaba din ng buhay ang pagkain ng almusal. Sabi ni Dr. Roger Henderson, awtor ng librong 100 Ways To Live To 100: “Ang mga taong umaabot sa edad 100 ay madalas kumain ng masustansyang almusal.”

Ayon din kay Dr. Michael Roizen, isang sikat na doktor at awtor sa America, halos 50% ang itataas ng tsansang mamatay ng isang taong hindi nag-a-almusal, kumpara sa taong nag-a-almusal. Kaya mula ngayon, mag-almusal na tayong lahat!
Ano ang masustansyang kainin?
Ang mga benepisyo ng pagkain ng almusal ay makakamtan lamang natin kung pipiliin natin ang masustanyang pagkain kumpara sa mga “masasamang” pagkain. Ang pagkain ng matatamis na donut, sobrang mantikilya at matatabang karne ay hindi magandang almusal.
Heto ang dapat niyong kainin:
1. Isda at gulay. Ang pritong bangus at gulay na monggo, pechay o kangkong ay masustansya at masarap pa. Ang sardinas at dilis ay napakasustansya din. Mataas ito sa protina at calcium.
2. Gatas o yogurt. Ang gatas ay masasabing kumpletong pagkain, dahil ito’y may protina, carbohydrates at fats. Ang skim milk o yogurt ay bagay sa mga may edad, may diabetes at may mataas na kolesterol.
3. Itlog. Kung wala ka namang sakit sa puso o problema sa kolesterol, puwede kang kumain ng isang itlog bawat araw. Huwag din sosobrahan ito. Ang nilagang egg ay walang mantika at nakabubusog kainin.
4. Prutas. Ang saging, mansanas, papaya at mangga ay sagana sa bitamina at minerals. Limitahan lang sa 1-2 piraso ito o 1-2 hiwa ng mangga lang para hindi ka tumaba. Mataas kasi sa calories ang mangga, kahit yellow o green mango.
5. Oatmeal. Napaka-healthy ng oatmeal bilang almusal, lalo na sa mga may matataas na kolesterol. Ang pagkain ng 1 tasang oatmeal bawat araw ay puwedeng magpababa ng ating kolesterol sa dugo ng 10%.
6. Cereals. May kamahalan lang ang cereals pero sagana ito sa bitamina at minerals. Kapag inihalo ito sa gatas ay talagang masustansya ito. Piliin ang mga cereals na may fiber at hindi puno sa asukal.
Sa ating mambabasa, sana ay kumain na tayo ng almusal araw-araw. Siguradong sisigla at gaganda ang iyong buhay.