ALMORANAS: ANO NGA BA ANG LUNAS?
By Dr. Willie T. Ong
By Dr. Willie T. Ong
NAPAKARAMI ang may almoranas
(hemorrhoids o piles sa Ingles). Pagdating ng edad 50, mga 50% ng tao ay may
almoranas na.
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat
at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang
pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo. Ang sintomas ng almoranas
ay ang pagsakit at pagdurugo (pulang dugo) kapag dumudumi. Makakapa rin ang
almoranas sa puwitan.
Mga sanhi (o risk factors) ng
almoranas:
1. Namamana ang almoranas sa
ating magulang.
2. Ang pagtitibi at pag-iire ang
pangunahing sanhi nito. Kumain nang maraming gulay at prutas para lumambot ang
dumi.
3. Ang pag-ire sa panganganak ay
nagpapa-almoranas din.
4. Ang pagkain ng mga maaanghang
at spicy foods ay nakaiirita sa almoranas.
Solusyon sa almoranas at sugat sa
puwit:
1. Palambutin ang dumi. Kumain ng
mga prutas tulad ng papaya, pakwan at ubas na nagpapalambot ng dumi. Damihan
ang pagkain ng gulay (mataas ang fiber ng mga ito) at bawasan ang karne. Uminom
din ng 8-12 basong tubig. Huwag umasa sa gamot na pampadumi tulad ng bisacodyl
tablets dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
2. Huwag umire sa banyo. Ang
pag-iire ang talagang nagpapalala ng almoranas. Huwag piliting makadumi kung
ayaw pang lumabas ang dumi. Subukan muna na maglakad-lakad at mag-ehersisyo
para bumilis ang galaw ng bituka.
3. Huwag magbasa ng diyaryo,
magasin at komiks sa kubeta. Umupo lamang kapag malapit nang lumabas ang dumi.
4. Gumamit ng petroleum jelly.
Kung matigas ang iyong dumi, puwede mong pahiran ng petroleum jelly ang loob ng
puwit. Ayon kay Dr. Edmund Leff, isang colorectal surgeon, nagpapadulas ito sa
paglabas ng dumi.
5. Gumamit ng basang tissue paper
o tabo ng tubig pagkatapos dumumi. Huwag gumamit ng tuyong tissue dahil baka
magasgas lang ang almoranas.
6. Maging malinis sa katawan.
Hugasan maigi ang puwit para hindi maimpeksyon.
7. Huwag kamutin ang almoranas
kahit ito’y makati. Baka masugatan mo lang ito.
8. Huwag magbuhat ng mabibigat na
bagay. Ang stress ng pagbubuhat ay katumbas na ng pag-iire sa banyo.
Magpatulong sa iba.
9. Huwag umupo o tumayo nang
matagal. Nagdudulot din ito ng almoranas. Kailangan ay papalit-palit ang
puwesto natin para hindi ma-pressure ang almoranas.
10. Magbawas ng timbang. Kapag
mataba ka, tumataas din ang pressure sa iyong baywang at binti. Dahil dito,
puwede kang magkaroon ng almoranas at varicose veins.
11. Magbawas sa maaalat na
pagkain. Ang sobrang alat o asin sa pagkain ay puwedeng magpamaga ng katawan.
Pati ang almoranas ay mamamaga rin.
12. Umiwas sa maaanghang o spicy
na pagkain. Mahapdi at makati ito kapag dumaan sa ating puwit. Mag-ingat din sa
sobrang kape, beer at softdrinks.
13. Kung buntis, humiga sa
kaliwa. Ayon kay Dr. Lewis Townsend, isang obstetrician, puwedeng maipit ng
lumalaking matris ang ugat ng almoranas. Humiga sa iyong kaliwa ng 20 minutos
bawat 5 oras. Makatutulong ito para hindi maipit ang almoranas.
14. Magbabad sa bathtub o
malaking palanggana. Punuin ng mga isang dangkal na maligamgam na tubig ang
bathtub. Umupo sa bathtub na nakataas ang iyong tuhod. Ayon kay Dr. Byron
Gathright, isang colorectal surgeon, ang mainit na tubig ay nag-aalis ng sakit
at nagpapaluwag ng daloy ng dugo sa almoranas. Dahil dito, liliit ang almoranas.
15. Puwede subukan ang ice pack.
Kung mahapdi at makati ang almoranas, puwedeng lagyan ng ice pack. Kumuha ng
isang plastic bag at lagyan ng yelo. Balutin ito ng tela para hindi masyadong
malamig. Itapal ito ng hindi hihigit sa 20 minutos. Huwag din lalampas sa 3
beses sa maghapon itong gawin. Maaaring mabawasan ang kirot at laki ng
almoranas.
16. Magpahid ng cream. May mga
gamot para sa almoranas tulad ng Proctosedyl o Ultraproct ointment. Hindi
mawawala ang almoranas pero mababawasan ang sakit nito.
17. Dahan-dahang itulak paloob
ang almoranas. Ayon kay Dr. Townsend, kung hindi ganoong malaki ang almoranas,
subukang ipasok ito ulit sa puwit. Ito’y para hindi maipit ang iyong almoranas.
Kailan dapat kumunsulta sa
doktor?
1. Kung biglang sumakit ang almoranas.
2. Kung may bagong bukol na
makapa sa puwitan. Baka pigsa ito o kulugo.
3. Kapag hindi naghilom ang iyong
sugat sa puwit.
4.
Kung may pagdurugo sa dumi, huwag isiping dahil lamang sa almoranas.
Magpakonsulta muna sa isang surgeon na doktor. May mga simpleng operasyon na
para sa almoranas.